MENU

Mainit na tinanggap ng Philippine Coconut Authority Region 4A Regional Office at ng mga magsasaka ang pagdating ng bagong hinirang na PCA Administrator Billy Andal sa pangunguna ng Regional Manager na si Ms. Erlene Manohar at PCA Deputy Administrator Mr. Roel M. Rosales.

Bakas sa mukha ng bawat magsasaka ang kasiyahan ng makita nila si PCA Admin Andal na tubong Quezon din. Kaagad na sinimulan ang pagpupulong upang talakayin ang iba’t ibang hinaing na dinaranas ng mga magniniyog.

Isa sa mga magsasaka at myembro ng Paglaya  na si Mrs. Senaida  ay nagpasalamat sa ibinigay na baka at mga seedlings sa kanya. Kaugnay nito, humingi din siya ng dwarf na niyog upang magkaroon ng bagong pananim para sa kanyang sinasaka.

Ayon kay Andal, kaagad niyang bibigyan ng solusyon ang mga problema ng mga magsasaka lalong higit ang pagbibigay ng punla o ang pagkakaroon ng mga nursery sa bawa’t bayan o barangay. Magbibigay rin ng fertilizer para sumigla ang mga pananim at matibay na malabanan ang mga peste na sumisira sa mga pananim katulad ng  cocolisap.

Tinalakay rin sa nasabing pagpupulong ang isyu ng ilegal na pagputol ng mga niyog at pag abuso diumano ng ilang empleyado ng PCA sa issue ng permit para sa mga personal na gawain. Sinabi rin nya na ang karaniwang sangkot ay police checkpoint na ayon kay Andal ay mas angkop na tawaging “cash points” dahil sa cash kotong na ibinibigay.

Nabanggit din ni Andal na ang pagnenegosyo ang siyang dapat transpormasyon na mangyari sa niyugan tungkol sa paggawa ng coco sugar at virgin coconut oil bilang isang solusyon sa problemang kinahaharap ng mga magniniyog.

“Kailangang tulungan ninyo ako. Bigyan nyo ako ng pagkakataon, kung may gusto kayong iparating sa akin, dumiretso kayo sa akin. Ako’y maglilingkod sa inyo ng buong puso at tapat, pahayag ni Andal para sa mga magsasaka ng Region 4A.

Dagdag pa ng mga magsasaka dapat na palakasin ang organisasyon ng kani-kanilang miyembro upang maging matagumpay ang mga proyekto na kanilang gagawin at makipagtulungan sa ibat-ibang ahensiya ng gobyerno. 

 

 

PCA CORPORATE COMMUNICATION

December 7, 2016